Emily

Para kay Emily Buenaventura, Linggo ang araw ng mga multo.

Linggo rin ang araw kung kailan siya tumatakbo sa Amoranto Sports Complex, na limang minutong lakad lamang ang layo mula sa kanyang bahay. Alas-sais ng umaga kung gumising siya upang mamalengke muna.

“Linggo ka na nga lang nakakapahinga, hindi mo pa sulitin. Ha’ mo na ‘yan at ako na ang mamamalengke maya-maya,” sasabihin sa kanya ni Tita Linda na nagwawalis sa harapan ng bahay.

“Wala ho ‘yon,” tutugon naman siya habang binubuksan ang payong.

Sa palengke, waring may plano na ang kanyang mga kasabay sa mga lulutuing putahe sa araw na iyon at sa mga susunod pa. “’Yung pantinola,” sabi ng kasabay niya sa mga manok. “’Yung pang-adobo,” sabi ng kasabay niya sa mga baboy. “’Yung pansahog sa kare-kare,” sabi ng kasabay niya sa mga gulay.

Ngunit hindi si Emily. Pinupuno niya ang kanyang bayong ng kung anumang sariwa at maganda nang walang ideya kung anong putahe babagay ito—mga talong kung matitigas at mahahaba ang mga ito, mga dalagang bukid kung mabibilog at malilinaw ang mga mata, mga talbos ng kamote kung lahat ng dahon ay nagtataglay ng sariwang berde, isang kilo ng mangga kung napapanahon ito at makikinis at mahalimuyak ang mga balat.

Kaya nga naman di-minsang nalito ang kanyang Tita Linda habang tinutulungan siyang mag-ayos ng mga napamili. Hindi hamak na magaling pumili ang pamangkin ngunit hindi rin hamak na walang kaalam-alam ito sa pagpili ng mga sangkap ng ulam. May dahon ng laurel ngunit walang karneng pang-adobo. May puso ng saging ngunit walang gata na pansabaw. May mga tilapyang sariwa at masarap ipirito ngunit may kasamang sangkatutak na malunggay. Kaya ang bilin niya sa pamangkin na ipaubaya na sa kanya ang pamamalengke ay hindi lamang nagu-ugat sa pagkukusa kundi dahil na rin sa napapagod na siyang mag-isip at mag-imbento ng mga putaheng lulutuin kung saan maaaring magamit lahat ang sari-sari at waring palambang na mga rekados na lingo-linggong binibili ni Emily. Hayan at minsan nang nagluto si Tita Linda ng tinolang manok na may halong tahong, bistek na may kasamang kintsay sa halip na sibuyas at piniritong baboy na binagayan ng sopas na gawa sa repolyo at okra. Ang mas kakatwa’y walang kagatol-gatol na kinakain ni Emily ang lahat nang walang pagtatanong. Basta’t hindi gaanong mamantika ang laging sagot ng pamangkin tuwing tatanungin ito kung anong gustong ulamin.

Hindi gaya noon na madalas siyang magpaluto sa kanyang ina ng mga paboritong ulam—adobong manok na may gata, calamares, monggo na sinahugan ng maliliit na piraso ng baboy na maingat na tinanggalan ng taba. Mula nang mamatay ang ina ni Emily ay hindi na niya niluto o ipinaluto ang mga ulam na iyon. At batid niyang iniiwasan niyang bilhin ang mga rekados ng mga ulam na ito tuwing mamamalengke, sa panganib na magkataong maluto ng kanyang tiyahin ang mga espesyalidad ng kanyang ina.

Tuwing Linggo ng umaga, ito ang ritwal ng tiyahin at pamangkin—mamamalengke si Emily at magluluto si Tita Linda. Tuwing Linggo ng umaga, ito rin ang kanilang mga lihim na iniisip.

Pagkakain ng dalawang pan de sal na sinawsaw sa kape at isang pisngi ng mangga ay nagbihis na si Emily ng kanyang suot pantakbo—manipis na t-shirt, jogging pants mula noong P.E. niya sa kolehiyo at rubber shoes. Itinali niya sa isang mahigpit na ponytail ang kanyang mahabang buhok.

“Mataas na ang araw a. Baka naman masunog ‘yang balat mo,” bilin ni Tita Linda habang naghuhugas ito ng mga pinggan.

“Hindi ho,” sasagot naman si Emily habang tinatali ang sintas ng kanyang sapatos.

Oval ang hugis ng track sa Amoranto Sports Complex. Sa isang banda ay ang mataas na palapag ng bleachers na sinisilungan ng malaking bubong. Sa gitna ay may malawak na damuhan kung saan may maliit na volleyball net, ilang nakaparadang sasakyan at isang maliit na entabladong nakaharap sa bleachers. Tuwing Linggo ay doon ginaganap ang misa at programa ng International Ministry of Christ Crusaders tuwing hapon. At ngayon pa lamang ay naglipana na sa mga upuan ang matatandang babae at dalagang hanggang baywang ang mga nakalugay na buhok. Lahat sila’y nangakasuot ng paldang hanggang alak-alakan at mga blusang mahahaba ang manggas. Karamihan ay nakaputi. Ang mga kalalakihan naman ay maiikli ang buhok at nakasuot ng mga pormal na polo at slacks. Tuwing Linggo ay van-van at jeep-jeep silang dumadayo sa Amoranto Sports Complex. Ngayon pa lamang ay hinahanda na rin ang entablado ng ilang mga technician at miyembro ng simbahan—naglalatag ng mga kable para sa ilaw at stereo, nagsa-sound check sa drums, naglalagay ng mga bulaklak sa palpito, nagsasabit ng mga karatula ng “Jesus Saves” at “Jesus Loves You”.Sa isang banda ng bleachers ay nage-ensayo ang choir.

Inilapag ni Emily ang kanyang maliit na tuwalya at bote ng tubig sa isang bench sa damuhan. Habang naguunat ay sinipat niya ang kanyang paligid. Bagamat halos bawat linggo siyang pumupunta sa complex ay hindi siya nabibigong mapatda sa lawak ng kalangitan dito. Sa kanyang madalas na paglilibot sa syudad bilang isang reporter ay napakadalang na makakita siya ng ganito kalawak na piraso ng kalawakan—karamihan ng kalawakan na kanyang nakikita ay palaging sumisingit lamang sa pagitan ng matatayog na mga gusali o kaya’y sinasalamin lamang ang mga ulap sa mga bintana ng mga building o sasakyan.

Naalala niya ang unang beses na nakaranas siya ng ganito kalaking kalawakan. Sampung taong gulang siya noon at naatasan ang kanyang ama na mag-cover ng isang kidnapping sa Cebu at sumama silang dalawa ng kanyang nanay. Sa huling araw ng assignment, sa halip na bumalik agad sa Maynila ay nagpasya ang kanyang mga magulang na mag-daytrip patungong Bohol para makita ang mga tarsier at simbahan ng Baclayon. Sumakay sila ng lantsa sa pier ng Tagbilaran at iyon ang unang beses na nakapaglakbay si Emily sa dagat. Nang mainip siya sa pagkakaupo sa gitna ng mga magulang ay dinala siya ng kanyang ina sa likuran ng ferry, sa kubyerta sa likod kung saan naroon ang makina at mga bagahe ng pasahero. Pinakapit siya nang mahigpit sa baranda ng kanyang nanay kaya inilapat niya ang dalawang kamay sa tubo ng bakal na nanginginig dahil sa dagundong ng makina.

Sampung minuto, dalawampung minuto, kalahating oras. Hinintay ni Emily na magbago ang tanawin sa harapan niya. Ngunit nanatiling patag at asul ang tubig ng dagat. Maging ang mga hugis ng ulap sa langit ay hindi nagbago. Kung hindi dahil sa ingay ng makina at bakas ng lantsa sa tubig ay aakalain ni Emily na hindi sila umaandar. Sumilip si Emily sa ibaba. Waring hugis V ang iniiwang bakas ng lantsa sa tubig—nagsisimula sa pagbulusok ng tubig sa ilalalim ng lantsa, na mauuwi sa malalakas na alon, na mauuwi sa maliliit na alon, na mauuwi sa maliliit na kulubot sa patag na tubig. Hanggang sa maging ang maliliit na kulubot ay maglaho na rin. Hanggang sa maging payapa muli ang patag na animo’y walang nagdaang lantsa.

Ito madalas ang maalala ni Emily tuwing sasalubungin ng malawak na kalangitan sa Amoranto Sports Complex. Karamihan ng kanyang kasabay sa track ay matatanda—mga lalaking nakasalamin at baseball cap, medyas na puti at hanggang tuhod, mga babaeng may hawak na maliliit na dumbells na iniaangat paminsan-minsan habang iniuunat ang mga braso. Tiyak ni Emily na karamihan sa matatandang ito ay naroon dahil pinayuan sila ng kani-kanilang doktor na dagdagan ang ehersisyo. Nakasisiguro siya dahil iyon din ang pinayo ng doktor sa kanyang ama noong nagsimula itong magkaroon ng mga karamdaman. Nagsimulang mag-warm up si Emily sa pamamagitan ng paglalakad ng isang ikot sa track. Saka siya nagsimulang tumakbo.

Katatapos lamang niya noon sa kolehiyo nang inumpisahan niyang samahan ang ama sa sports complex na iyon tuwing umaga ng Sabado at Linggo. Sa simula ay ayaw niya. Beinte uno siya noon at mas gusto niya ang matulog hanggang tanghali, lalo na’t kapag galing siya sa gimik kinagabihan—na madalas sa panahong iyon lalo na’t wala na siyang iniisip na finals at thesis. Ngunit sa kabila ng kanyang pagtutol at pagdahilan na masakit ang katawan ay pinilit siya ng kanyang nanay. Sinabihan na ng doktor ang kanyang ama na bantayan ang kalusugan—tigilan ang paninigarilyo at ibang bisyo, dagdagan ang ehersisyo, kumain ng masusustansya. At dahil ayaw ng ama na magpunta sa complex nang mag-isa at maraming gawaing bahay ang kanyang ina ay siya ang napipilitang sumama. Noong una ay nauupo lamang si Emily sa bleachers habang ang kanya’y tatay ay maguunat, maglalakad, magsisimulang tumakbo at mabilis na babalik sa paglakad hanggag sa oras na para sila ay umuwi. Apat na dekada nang naninigarilyo si Renato Buenaventura at madalas na siyang hingalin maging sa pagpanik sa hagdan.

“Kapag matanda ka na, mahirap na talagang tumigil,” dahilan niya kay Emily habang nagsisindi ng stick ng More. Iyon ang panahon na nagsimula na ring tumakbo si Emily, at uupo silang mag-ama sa bleachers bago umuwi. Maninigarilyo ang kanyang ama habang aalmusalin naman niya ang apat na pan de coco na binibili nila sa panaderyang madadaanan papunta sa complex.

Hindi naman sa binalewala ng kanyang ama ang mga bilin ng doktor. Sa katunayan ay isinuko na niya ang mga paboritong ulam gaya ng crispy pata at sisig at hindi na rin ito muling uminom ng alak. Ngunit ang paninigarilyo ang tanging hindi nito kayang ihinto. “Baka ‘pag hininto ko, iyon pa ang ikamatay ko,” biro nito ng may tawa.

Sa mga sandaling iyon higit na nakakausap ni Emily ang kanyang ama. Gaya ng ama ay nagtapos si Emily ng Journalism kaya madalas siyang payuhan nito tungkol sa napiling karera—anong dyaryo ang magandang pagkunan ng karanasan, anong istasyon ang malaki magpasuweldo. Madalas din siyang bigyan ng babala ng kanyang ama tungkol sa buhay ng mamamahayag.

“Minsan kailangan mong pumunta sa malayo. Minsan magdamag ang trabaho mo. Kailangan sumabak ka sa gulo. Mga rally, mga sunog, mga crime scene. Suspek at biktima, iinterbyuhin mo pareho. Dapat malakas ang sikmura mo sa mga ganoong bagay.”

Ngunit mas madalas ay ikinukuwento na lamang ng ama ni Emily ang mga sarili nitong karanasan, gaya ng unang beses nitong ma-tear gas sa rally at makapanayam si Fidel Ramos noong hindi pa ito pangulo. Karamihan sa mga kuwento ng ama ay ilang ulit nang narinig ni Emily. At talos niya ng may palihim na ngiti na parating may isang detalyeng nagbabago sa bawat bersyon ng kuwento ng ama. Noong una ay gulaman sa malapit na kariton ang pinangbanlaw sa na-tear gas nitong mata, sa susunod naman ay baong mineral water. Noong una ay kinamayan lamang siya ni Fidel Ramos, noong susunod ay may kasama ng anyaya sa isang ekslusibong salo-salo para sa mga opisyal.

Kaya hindi nakapagtataka na ang mga umagang iyon ng pan de coco at sigarilyo ang sumagi sa isip ni Emily habang pinanonood ang cremation ng ama apat na araw matapos itong atakihin sa puso.

Sa isang banda ng kapilya ng punerarya, kahanay ng altar ay may maliit na bintana kung saan maaaring silipin ng mga kaanak ng yumao ang pagsunog sa mga labi ng namatay. Ngunit silang dalawa ng kanyang ina ay pinahintulutang pumasok sa silid mismo. Nakalapag sa sahig ng silid ang ataul na nakataas ang takip habang ang nanay ni Emily ay nakaluhod at humahagulgol sa dibdib ng bangkay—walang pinagkaiba sa mga inulat ni Emily tungkol sa mga kaanak na namatayan sa sunog, sa lumubog na barko, sa banggaan, sa fraternity hazing, sa massacre. Mga kaanak na naiwan upang kilalanin ang mga katawan sa morge o punerarya. Walang-imik niyang hinimas ang likuran ng ina habang tinititigan ang mukha ng ama na nangingintab sa kapal ng kolorete. Hinintay niya ito dumilat, himasin ang buhok ng kanyang ina. Ngunit nanatli itong nakapikit at walang imik.

Maliban sa pag-iyak ng kanyang ina at pag-iyak ng ibang kaibigan at kaanak sa kabilang banda ng bintana, ang tanging maririnig lamang ay ang lagablab ng apoy ng malaking hurno sa silid. Dalawang lalaki ang nakatayo sa magkabilang banda ng ataul, nag-aabang na buhatin ang katawan. Walang ekspresyon sa kanilang mga mukha, tanging pawis lamang dahil sa init ng silid. Parehas silang naka-tsinelas at ang isa’y naka-sando. Nang bahagyang huminahon na ang kanyang ina ay dumukwang ang dalawang lalaki upang ilabas ang katawan sa ataul. Ngunit waring nahirapan ang dalawa (malaking lalaki ang kanyang ama) kaya tumawag pa ng isa. Lumapit ang lalaking nagbabantay ng hurno, inipit ang hawak na sigarilyo sa pagitan ng mga labi.

“Dun ka sa taas,” ngumuso ang naka-sando sa direksyon ng ulo ng katawan. Waring plywood ang katawan ng kanyang ama habang binubuhat ng tatlong lalaki—tuwid at walang kurba.. Nang muntik mabitawan ng naninigarilyong tagabuhat ang balikat ng katawan ay bumulalas ang panibagong hagulgol mula sa kanyang ina.

Dapat malakas ang sikmura mo sa mga ganoong bagay.

Nang isisilid na ang katawan sa nagliliyab na apoy ay hinintay ni Emily na sumigaw ang ama, magpumiglas mula sa hawak ng mga lalaki. Ngunit nanatili lamang itong nakapikit at walang imik.

Isang taon, siyam na buwan at dalawampu’t araw makalipas ng pagkamatay ng kanyang ama, pumanaw ang ina ni Emily.

Maliban sa isang linggong pagkakaratay ng kanyang ina sa hospital, pakiramdam ni Emily ay paguulit lamang o di kaya’y pagpapatuloy ang lahat ng pangyayari—pareho ang punerarya ng lamay, pareho ang sipi sa bibliya na binasa niya sa misa, halos pareho rin ang mga panauhing nakiramay.

Ang nakababatang kapatid ng kanyang ina ang nagmagandang-loob na asikasuhin ang lahat. Si Tita Lindang matandang dalaga, na sa panahong iyon ay nakatira na sa kanila. Si Tita Linda ang umasikaso sa mga papel, kumausap sa abugado ng insurance, namili ng ataul.

“Iyan ang hirap kapag matanda na nag-anak,” buntunghininga nito sa lamay habang nakatingin sa naulilang pamangkin. Sinong maghihininala na sa mga sandaling iyon ay hindi pangungulila o lungkot ang pangunahing naramdaman ni Emily, kundi pagtanggap.

Mula nang umuwi silang mag-ina mula sa libing ng kanyang ama ay batid ni Emily na may bumitak sa kanyang ina. Dumalas ang pag-idlip nito sa hapon na dati ay hindi ginagawa, dalawang beses nitong inayos ang mga muwebles sa sala at silid nilang mag-asawa, sobra-sobra kung itong magluto bagamat dadalawa na lamang sla. Nangayayat ang ina ni Emily, umiyak nang tahimik tuwing gabi.

Pinakiusapan ni Emily ang kanyang boss na huwag muna siyang ipadala sa malalayo dahil ayaw muna niyang iwananang madalas ang ina. Kinumbinsi niya ang nobyong si Ed na ipagpaliban ang pagbili nila ng sariling bahay. Pinilit din niya si Tita Linda na manirahan muna sa kanila upang may kasama ang kanyang nanay sa araw. Walang panahon noong magluksa si Emily para sa yumaong ama dahil kinailangan niyang maging malakas para sa ina.

Sa halip, binaon ni Emily ang kanyang sarili sa pananaliksik. Nagbasa siya sa Internet, bumili ng mga libro, nagtanong sa mga kakilala sa medisina. Inalam ang lahat ng posibleng malaman niya tungkol sa naging sakit ng ama—mga pinag-ugatan at bunga, mga gamot at lunas, mga istastiko at bagdan. Sa lahat ng ito’y nakahanap siya ng totoong aliw. May ginhawa sa mga kongkretong datos—mga sintomas, mga dosis ng gamot, mga panloob na sistema ng katawan. Binigyang hugis ng agham ang mga bagay na hindi niya mahanapan ng paliwanag o katuturan—ang pang-alis na tsinelas ng ama na nasa tarangkahan pa ng kanilang bahay, ang upuan nito sa hapag-kainan, ang paborito nitong tasa ng kape, ang aklat sa mesa na may pananda pa sa pagitan ng mga pahina.

Lahat ng iniwang bakas ng kanyang ama—mga gamit, mga espasyong kinaroonan—ay mistulang mga bangka sa gitna ng isang malawak na lawa o ilog. Umuugoy ayon sa layon ng tubig at ihip ng hangin. Hindi lumulubog ngunit hindi rin umuusad. Hindi na gaanong nagulat si Emily nang mamaalam ang kanyang ina. Matagal na itong nasa kabilang pampang.

Umuwi si Emily mula sa kanyang pagtakbo habang naghahain si Tita Linda ng pananghalian. Tumungo siya sa banyo at hinubad ang mga kasuotang basang-basa sa pawis. Pawisan, nagbabaga ang mga kasu-kasuan at mabilis ang tibok ng puso, binuksan niya ang shower at nilasap ang malamig na tubig sa kanyang balat.

Pagbaba niya sa hapag kainan ay pakiramdam niya’y isa siyang bagong nilalang.

“Kain na ho tayo, Tita,” tawag niya sa tiyahin sa kusina. Naupo siya at tinanggalan ng takip ang mga pagkain—ang umuusok na kanin, kalderetang manok na may dahon ng sayote, mga hiwa ng avocodang may bagoong.

Naupo ang kanyang tiyahin sa kanyang harapan, kinumusta ang kanyang trabaho, kinumusta si Ed, tinanong kung kailan nila balak pakasal, nagmungkahi ng simbahan. Pinagmasdan ni Emily ang tiyang nagsasalita. Kukupkupin nila ang isa’t isa. Bibili sila ng bagong mga muwebles para sa bahay, sasabitan ng bagong kurtina ang mga bintana. O di kaya’y lilipat sila ng bahay—bagong mga gamit, bagong mga espasyong karoroonan. Habang malayo rito, sa isang piraso ng dagat na mas madalas ay walang lantsang nagdadaan, patuloy ang pagsalamin ng patag na tubig sa mga ulap sa kalawakan—walang patid, walang nakakakita.

Stykkishólmur

The empty streets cup the light
–a day suspended.
The houses in rows shine
brighter than the sea. In her room
a young girl lines up her pens.
She draws a map.
It is not possible
to be lost here.

At the edge of the town
a lighthouse muses
over the weather. I find myself
in the kitchen preparing
a bowl of pudding for dinner:
to contain aloneness with grace.

In His Name

After Paul Celan

I am losing words as hope-
lessness fills my mouth.
Decomposing breath, sound
not cleansed.
Angered faith
in my throat.
Coarse cries sputter
out; I could not speak:
fifty-seven deaths and more.
There is nothing human
remaining here. Nothing.
Not Ar-Rahmān.
Not As-Salām.
Not Al-Muhaymin.

(Dec. 01, 2009)

Sandra

Habang nagpapaantok ang kanyang asawa sa harap ng telebisyon, umupo si Sandra sa mesa upang isulat ang ikatlong liham na hindi niya ipadadala.

Ang totoo’y kanina pa niyang hapon binalak maupo at magsulat ngunit araw ng Linggo at naghihintay sa kanya ang karaniwan niyang programa sa araw na iyon. Bandang alas singko y medya siya bumangon, kalahating oras matapos niyang dumilat dahil nakagisnan niyang mahiga muna nang saglit sa tabi ng kanyang natutulog na asawa upang pagmasdan ang pagpuslit ng unang liwanag sa kanilang silid. Kung matatawag nga ba itong liwanag, sapagkat ang pumasok sa kanilang silid ay kulay abo sa halip na dilaw, sapagkat waring ang pakay nito ay hindi bigyang linaw ang mga kasangkapang kanyang nakita—ang dibuho ng kurtina, ang mesa at upuan,, ang tukador, ang orasan—kundi palabnawin lamang ang mga aninong nagkubli sa mga ito kinagabihan. Tuwing umaga’y naibigan niyang pagmasdang ang liwanag na iyon sapagkat  alam niyang hindi na ito mauulit sa buong maghapon—ang mungkahi ng liwanag bago ang liwanag mismo.

Tumungo siya sa banyo at naligo, nagsipilyo, lumabas muli at humarap sa salamin ng tukador at  gaya ng nakaugalian sa mga umaga ng nakaraang dalawampung taon at mahigit ay siniyasat ang mukha para sa mga bagong kulubot, linya, pekas at paglaylay ng balat. At gaya sa bawat umaga ng dalawampung taon na iyon ay nagpasya na walang pagbabago sa kanyang hitsura mula sa nakaraang araw. Bagamat alam niyang hindi ito totoo, at may pangungulubot na sa balat sa hungkag ng kanyang leeg at mga pisngi,  may maliliit na linya na rin sa gilid ng kanyang mga mata at bibig na noon ay lumilitaw lamang kapag siya’y ngumingiti o nag-iisip nang malalim ngunit ngayon ay waring permanente nang nakaukit sa kanyang mukha. Hinihila na rin ng grabedad ang mga talukap ng kanyang mata. Nag-umpisa siyang maglagay ng make-up—pulbos, brown na eyebrow liner, beige na eyeshadow at blush-on na mas mapula nang kaunti sa kanyang natural na pamumula. Iyon na ang kumbinasyon ng kanyang make-up mula noong siya’y dalaga pa, ang tanging naiba lamang ay ang bagong lipstick na ibinigay sa kanyang nga bunsong anak na si Katrina dahil mas nababagay daw ito sa kanyang skin tone.

Saka niya ginising ang kanyang asawa. Balot sa kanyang bathrobe ay tumungo siya sa kusina. Dahil hindi pumupunta ang katulong tuwing Linggo ay siya ang naghahanda ng almusal nilang mag-asawa—ilang piraso ng Tasty bread na tinusta nang bahagya sa toaster, piniritong itlog, kape at ilang hiwa ng prutas dahil iyon ang ibinilin ng doktor (sa araw na iyon ay papaya). Inihain niya ang lahat  iyon sa mesa bagamat ang parating ginagalaw lamang ng kanyang asawa ay ang kape at tinapay na pinapahiran ng mantikilya. Pagkakain ay saka siya nagbihis para sa alas-siyeteng misa. At pagkasimba ay sinamahan njya ang asawa sa Prince Anton convenience store, ang pinakamalaking grocery store sa kanilang subdivision, na labing-limang taon na nilang pinatatakbong mag-asawa matapos ipangalan sa kanilang panganay. Sa katunayan ay ang asawa niya ang higit na umaasikaso rito dahil bagamat maaari na siyang magbitiw mula nang nagtapos si Katrina ay pinili pa rin niyang magturo sa lokal na high school, bagamat tumutulong siya kapag bakasyon at kapag Sabado at Linggo. Sa araw na iyon inasikaso nilang mag-asawa ang pag-imbentaryo, pagkwenta sa tubo, pagtuklas kung anong produkto ang nangangailangan ng bagong stock, pagbigay ng instruksyon para sa dekorasyon sa eskaparate ng school supplies dahil kasisimula pa lamang ng school year. Pagdating ng tanghali ay iniwan niya ang kanyang asawa upang mananghalian kila Mila. Tuwing Linggo ay nagsasalit-salit silang magkakaibigan sa paghahanda ng tanghalian—hindi naman kailangang espesyal, ngunit hindi maikakailang nagpapatalbugan silang magkukumare  sa sarap ng luto. Kaninang tanghali ay inihaw na bangus at pinakbet ang hinanda ni Mila. Gaya ng dati ay nauwi ang kanilang tanghalian sa mas mahabang huntahan hanggang sa mapawi ang kasagsagan ng init at makauuwi silang maaliwalas sa kanya-kanyang tahanan. Doon lamang nagkakaroon ng puwang ang kanyang programa—sa dalawa o tatlong bakanteng oras na naghihintay sa kanya pag-uwi mula sa bahay ng isa sa mga kaibigan. Binubuno niya ito minsan sa pamamagitan ng pag-idlip, minsan sa pag-check ng mga papel, minsan sa paghahanda ng lesson plan (bagamat sa tagal ng kanyang pagtuturo ay kaya na niya itong gawin nang nakapikit), minsan sa pag-aya sa kanyang asawa na mamasyal sa labas at minsan sa pagpunta sa parlor upang magpa-manicure at pedicure o magpatina ng buhok.

Umupo siya sa hapag-kainan at binuklat ang dyaryong binabasa ng kanyang asawa kaninang almusal. Hindi niya makita ang sariling ginagawa ang mga karaniwan niyang gawain. Hindi siya inaantok, kasisimula pa lamang ng klase kayat walang papel na iwawasto, bakasyon pa lamang ay tapos na ang kanyang lesson plan, tiyak ay abala pa rin ang kanyang asawa sa tindahan at hindi pa kumukupas ang kulay mula sa kanyang mga kuko o buhok.

Doon niya naisipang sumulat ng liham kay Noel. Noong una ay hindi dahil sa talagang ibig niya ngunit upang meron lamang siyang gawin. Hindi niya gusto ang nababakante. Siya iyong tipo ng tao na nanghihinayang sa panahong walang kinalabasang kapakipakinabang. Hindi siya nanonood ng telebisyon maliban sa balita at kapag kasabay ang kanyang asawa o mga anak. Madalas siyang regaluhan ng kanyang mga kaibigan ng planner tuwing pasko, bagamat isa o dalawa lamang dito ang kanyang magagamit kaya halos bawat taon ay may idinagdag siyang bago at di nagamit na planner sa kanyang bookshelf kapag hindi naipamigay. 1992, 1994, 1995, 1999, 2003, 2006. Hindi naman niya maitapon dahil lahat ay sariwa pa ang mga pahina. Pansamantala niyang inisip ang sariling sumusulat ng liham. Hindi niya natitiyak kung gaano katagal siya susulat at maya-maya ay kailangan na niyang maghanda ng hapunan. Sapagkat ayaw niyang magsimula ng anuman kung hindi rin niya matatapos ay ginawa na lamang niyang abala ang sarili sa paghahanda ng rekados ng afritada. Habang nakikinig ng balita sa radyo ay nagbalat siya ng patatas, nagpitpit ng bawang, naghiwa ng sibuyas, pulang red bell pepper at carrots. Inilagay niya ang lahat ng ito sa loob ng ref at inilabas naman mula sa freezer ang manok upang matunaw sa pagkayelo. Nang natapos niyang gawin ang lahat ng ito ay kinandado niya muli ang bahay upang bumalik sa tindahan. Susunduin niya ang kanyang asawa at magpapasama siya sa Red Ribbon upang bumili ng Sans Rival para sa panghimagas.

Mula noong isang taon na magkasunod bumukod ang kanyang dalawang anak ay iginiit niya na tuwing Linggo ng gabi ay sa bahay na iyon silang lahat maghahapunan, at ang gabing iyon ay hindi naiba, maliban sa magtatatlong buwan nang buntis ang asawa ni Anton at mahalagang payuhan niya ang kanyang manugang tungkol sa mga bitaminang dapat inumin sa anong bahagi ng pagdadalantao, saang espesyalista dapat magpatingin at anong mga sintomas at alin ang dapat ikonsulta sa doktor.

Ngunit ngayon ay tapos na siyang magbigay ng payo. Naligpit na ang mga pinagkainan at nakauwi na rin sa kani-kanilang bahay ang kanyang mga anak. Sa halip, heto ang gabi ngayon sa kanyang harapan. Heto ang mesa na yari sa tunay na kamagong na kanyang minana mula sa kanyang ama. Heto ang salansan ng mga textbook na sa tagal ng hindi pagkakabuklat ay nagmistulan na lamang palamuti. Heto ang lamaparang gawa sa kabibe na inuwi nilang mag-asawa mula sa kanilang honeymoon sa Palawan. Heto ang mga karaniwang litrato ng mga karaniwang okasyon na itinatanghal sa tahanan ng karaniwang pamilya—kasal, pagtatapos ng mga anak sa kolehiyo, isang ideyal na bakasyon, etcetera. Sa likod ng isa sa mga nakakwadrang larawan (graduation ni Katrina), natagpuan niya ang isang ashtray na nagtataglay ng isa’t kalahating upos na sigarilyo. Dito’y kumalabit sa kanyang damdamin ang alingawngaw ng pamilyar na paggiliw para sa kanyang asawa. Mula noong nagbuntis siya kay Katrina ay pinilit niya ang asawa na tumigil sa paninigarilyo na sinangayunan naman nito. Kay dami na nilang napagdaanan, siya at ang kanyang asawa—dalawang anak, tatlong nilipatang bahay sa tatlong lungsod, dalawang negosyong nadiskaril, tatlong yumaong magulang at di-mabilang na katahimikan at pagpapatawad. At nalulugod siyang isipin na sa kabila ng lahat ng ito ay sapat pa rin ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa upang magkaroon ng sapat na lakas para sa mga munting kasinungalingan tulad ng dalawang upos na sigarilyong ito, upang hindi makabigo. Ibinalik niya ang ashtray sa likod ng larawan.

Bumaling siyang muli sa liham: Dear Noel. Gaya ng sa huling dalawang liham, naramdaman niya ang paninibago sa kaibahan sa pagitan ng pangalang binanggit sa isipan at ngayo’y isinulat sa papel, sapagkat ang huli’y nakikita, nababakas. Humigit sampung taon na yata mula nang huli niya itong makita, sa despidida ng isa sa kanilang mga kaibigan. Payat pa rin ang pangangatawan ngunit nadagdagan ng timbang sa bandang tiyan. Suot pa rin ang isa sa kanyang mga makulay at printed na polo na maging noong sila’y mga estudyante ay sumusuway na sa uso ngunit ngayon, sa kabalintunaan, ay may dating na sumusuway sa uso sapagkat kumakapit sa istilo ng pananamit na matagal nang nakalipas.

Sinimulan niya ang liham sa pangungumusta. Maganda iyong pagkakataon upang banggitin ang mga detalyeng nabalitaan niya mula sa mga lumang kaibigan. Kumusta na ang kanyang tatlong anak? Balita niya’y ganap nang nurse ang panganay sa San Francisco. Gaya ng sa ikalawang liham ay minabuti niyang huwag kumustahin ang asawa dahil dinig niya’y naghiwalay na ang dalawa. Noon pa, bago pa niya ito muling makita sa despidida.

“Palagi kitang naiisip,” pagtatapat ni Noel matapos kunan ang kanyang litrato isang hapon sa taong 1979, 1978? Sa may hagdanan ng aklatan, ang ibang estudyante sa paligid ay unti-unting nalalagas dahil papalubog na ang araw. Kalalabas lamang noon ng Nikon FM SLR sa Ali Mall ngunit nakasukbit na ito sa leeg ni Noel, isang pinakahihintay na regalo mula sa kanyang ama sa abroad. At kahit saan pumunta si Noel ay nakasabit sa kanya ito. Labing-siyam na taon si Sandra at unti-unting lumalakas ang simoy ng hangin dahil papalubog na ang araw. Dumampi ang nakalugay niyang buhok sa kanyang pisngi, na marahang hinawi ng kanyang daliri. Labing-siyam na taon siya at sinong makatatangging para sa kanya ang lahat ng iyon—ang hangin, ang araw, ang pagtatapat na tiyak ay umubos sa lakas ng loob ng isang sumisintang binata. Tanging katahimikan lamang ang kanyang naisukli.

Sa halip, kinumusta niya sa liham ang kalusugan nito. Mas mabilis na ba siyang mapagod, ngunit mas hirap makatulog kung gabi? May bahagyang kirot na ba sa kanyang mga kasukasuan matapos ng mahabang paglalakad, pagpanik sa hagdanan o kahit pagbangon sa umaga? Madali niyang maitatanong ang mga ito dahil kabisado ng kanyang sariling katawan ang mga sagot. Nagpatuloy siya sa pagsalaysay tungkol sa kanyang araw na siningitan ng mga personal na komento—ang pagnais niyang paputulan ang mahabang buhok, ang katigasan ng ulo ng kanyang asawa sa pagkain ng masustansya, ang hindi niya pagsangayon sa sermon ng pari, ang balak niya at ng kanyang mga kapwa guro na magsimula ng bagong organisasyon sa paaralan at ang napipinto niyang pagkakaroon ng apo. Batid niyang halos walang pinagkaiba ang mga binanggit niya sa liham sa mga binabanggit niya sa asawa. Ngunit hindi rin niya maikakailang may ligaya sa pagpapakilala ng kanyang mga naiisip na wala ang pamilyar na pangako ng hirap at ginhawa, sakit at kalusugan, habangbuhay. At hindi ba’t iyon ang nilalaman ng kanyang mga liham kay Noel? Pagbabahagi ng mga munting ligaya sa kanyang kahit paano’y pinalad na buhay. May ligaya sa pagpili ng mga magkaparis na kubrekama at punda ng mga unan. May ligaya sa paghahanda ng rekados para sa bagong-tuklas na recipe. May ligaya sa mga pasumalang abubot na madalas niyang mahanap sa bulsa ni Anton noong maliit pa ang kanyang panganay. May ligaya sa mababang tinig ng usupan nilang mag-asawa sa kama bago matulog. May ligaya sa kanyang mag-isang pagluluto ng almusal sa kusina sa mga umaga ng Linggo.

Ngunit hindi gaya ng sa dalawang huling liham, hindi na siya naghinala na ang mga ligayang ito ay pampalubag-loob lamang ng buhay na sapat lang para sa isang landas. Sa halip, naradaman niya ang wagas na kabaitan upang hilingin para kay Noel ang mga ligaya ring ito. Itinupi niya ang liham, tumungo sa tukador, inilabas ang sobre na ngayon ay may tangan nang tatlong liham, na halos tigiisang dekada ang pagitan. Hindi nilimbag ni Noel ang kanyang larawan. Kung nilimbag man nito ay hindi niya nakita. Mangangahas ba siyang isipin na tinago ito ng dating kaibigan at paminsan-minsan ay pinagmamasdan? Marahil ay hindi. Sinalubong ni Sandra ang kanyang tingin sa salamin ng tukador. Mas nais niyang isipin ang binata noong hapong iyon na nasa bungad pa lamang sila ng mga landas. Noong bago pa ang kamera, noong wala pang laman ang pilm. Gamit ang kanyang kanang kamay, ipinusod niya ang mahabang buhok sa kanyang batok, inihilig ang mukha sa direksyon ng liwanag, inayos ang tindig at pansamantalang tumigil sa paggalaw.