Sandra

Habang nagpapaantok ang kanyang asawa sa harap ng telebisyon, umupo si Sandra sa mesa upang isulat ang ikatlong liham na hindi niya ipadadala.

Ang totoo’y kanina pa niyang hapon binalak maupo at magsulat ngunit araw ng Linggo at naghihintay sa kanya ang karaniwan niyang programa sa araw na iyon. Bandang alas singko y medya siya bumangon, kalahating oras matapos niyang dumilat dahil nakagisnan niyang mahiga muna nang saglit sa tabi ng kanyang natutulog na asawa upang pagmasdan ang pagpuslit ng unang liwanag sa kanilang silid. Kung matatawag nga ba itong liwanag, sapagkat ang pumasok sa kanilang silid ay kulay abo sa halip na dilaw, sapagkat waring ang pakay nito ay hindi bigyang linaw ang mga kasangkapang kanyang nakita—ang dibuho ng kurtina, ang mesa at upuan,, ang tukador, ang orasan—kundi palabnawin lamang ang mga aninong nagkubli sa mga ito kinagabihan. Tuwing umaga’y naibigan niyang pagmasdang ang liwanag na iyon sapagkat  alam niyang hindi na ito mauulit sa buong maghapon—ang mungkahi ng liwanag bago ang liwanag mismo.

Tumungo siya sa banyo at naligo, nagsipilyo, lumabas muli at humarap sa salamin ng tukador at  gaya ng nakaugalian sa mga umaga ng nakaraang dalawampung taon at mahigit ay siniyasat ang mukha para sa mga bagong kulubot, linya, pekas at paglaylay ng balat. At gaya sa bawat umaga ng dalawampung taon na iyon ay nagpasya na walang pagbabago sa kanyang hitsura mula sa nakaraang araw. Bagamat alam niyang hindi ito totoo, at may pangungulubot na sa balat sa hungkag ng kanyang leeg at mga pisngi,  may maliliit na linya na rin sa gilid ng kanyang mga mata at bibig na noon ay lumilitaw lamang kapag siya’y ngumingiti o nag-iisip nang malalim ngunit ngayon ay waring permanente nang nakaukit sa kanyang mukha. Hinihila na rin ng grabedad ang mga talukap ng kanyang mata. Nag-umpisa siyang maglagay ng make-up—pulbos, brown na eyebrow liner, beige na eyeshadow at blush-on na mas mapula nang kaunti sa kanyang natural na pamumula. Iyon na ang kumbinasyon ng kanyang make-up mula noong siya’y dalaga pa, ang tanging naiba lamang ay ang bagong lipstick na ibinigay sa kanyang nga bunsong anak na si Katrina dahil mas nababagay daw ito sa kanyang skin tone.

Saka niya ginising ang kanyang asawa. Balot sa kanyang bathrobe ay tumungo siya sa kusina. Dahil hindi pumupunta ang katulong tuwing Linggo ay siya ang naghahanda ng almusal nilang mag-asawa—ilang piraso ng Tasty bread na tinusta nang bahagya sa toaster, piniritong itlog, kape at ilang hiwa ng prutas dahil iyon ang ibinilin ng doktor (sa araw na iyon ay papaya). Inihain niya ang lahat  iyon sa mesa bagamat ang parating ginagalaw lamang ng kanyang asawa ay ang kape at tinapay na pinapahiran ng mantikilya. Pagkakain ay saka siya nagbihis para sa alas-siyeteng misa. At pagkasimba ay sinamahan njya ang asawa sa Prince Anton convenience store, ang pinakamalaking grocery store sa kanilang subdivision, na labing-limang taon na nilang pinatatakbong mag-asawa matapos ipangalan sa kanilang panganay. Sa katunayan ay ang asawa niya ang higit na umaasikaso rito dahil bagamat maaari na siyang magbitiw mula nang nagtapos si Katrina ay pinili pa rin niyang magturo sa lokal na high school, bagamat tumutulong siya kapag bakasyon at kapag Sabado at Linggo. Sa araw na iyon inasikaso nilang mag-asawa ang pag-imbentaryo, pagkwenta sa tubo, pagtuklas kung anong produkto ang nangangailangan ng bagong stock, pagbigay ng instruksyon para sa dekorasyon sa eskaparate ng school supplies dahil kasisimula pa lamang ng school year. Pagdating ng tanghali ay iniwan niya ang kanyang asawa upang mananghalian kila Mila. Tuwing Linggo ay nagsasalit-salit silang magkakaibigan sa paghahanda ng tanghalian—hindi naman kailangang espesyal, ngunit hindi maikakailang nagpapatalbugan silang magkukumare  sa sarap ng luto. Kaninang tanghali ay inihaw na bangus at pinakbet ang hinanda ni Mila. Gaya ng dati ay nauwi ang kanilang tanghalian sa mas mahabang huntahan hanggang sa mapawi ang kasagsagan ng init at makauuwi silang maaliwalas sa kanya-kanyang tahanan. Doon lamang nagkakaroon ng puwang ang kanyang programa—sa dalawa o tatlong bakanteng oras na naghihintay sa kanya pag-uwi mula sa bahay ng isa sa mga kaibigan. Binubuno niya ito minsan sa pamamagitan ng pag-idlip, minsan sa pag-check ng mga papel, minsan sa paghahanda ng lesson plan (bagamat sa tagal ng kanyang pagtuturo ay kaya na niya itong gawin nang nakapikit), minsan sa pag-aya sa kanyang asawa na mamasyal sa labas at minsan sa pagpunta sa parlor upang magpa-manicure at pedicure o magpatina ng buhok.

Umupo siya sa hapag-kainan at binuklat ang dyaryong binabasa ng kanyang asawa kaninang almusal. Hindi niya makita ang sariling ginagawa ang mga karaniwan niyang gawain. Hindi siya inaantok, kasisimula pa lamang ng klase kayat walang papel na iwawasto, bakasyon pa lamang ay tapos na ang kanyang lesson plan, tiyak ay abala pa rin ang kanyang asawa sa tindahan at hindi pa kumukupas ang kulay mula sa kanyang mga kuko o buhok.

Doon niya naisipang sumulat ng liham kay Noel. Noong una ay hindi dahil sa talagang ibig niya ngunit upang meron lamang siyang gawin. Hindi niya gusto ang nababakante. Siya iyong tipo ng tao na nanghihinayang sa panahong walang kinalabasang kapakipakinabang. Hindi siya nanonood ng telebisyon maliban sa balita at kapag kasabay ang kanyang asawa o mga anak. Madalas siyang regaluhan ng kanyang mga kaibigan ng planner tuwing pasko, bagamat isa o dalawa lamang dito ang kanyang magagamit kaya halos bawat taon ay may idinagdag siyang bago at di nagamit na planner sa kanyang bookshelf kapag hindi naipamigay. 1992, 1994, 1995, 1999, 2003, 2006. Hindi naman niya maitapon dahil lahat ay sariwa pa ang mga pahina. Pansamantala niyang inisip ang sariling sumusulat ng liham. Hindi niya natitiyak kung gaano katagal siya susulat at maya-maya ay kailangan na niyang maghanda ng hapunan. Sapagkat ayaw niyang magsimula ng anuman kung hindi rin niya matatapos ay ginawa na lamang niyang abala ang sarili sa paghahanda ng rekados ng afritada. Habang nakikinig ng balita sa radyo ay nagbalat siya ng patatas, nagpitpit ng bawang, naghiwa ng sibuyas, pulang red bell pepper at carrots. Inilagay niya ang lahat ng ito sa loob ng ref at inilabas naman mula sa freezer ang manok upang matunaw sa pagkayelo. Nang natapos niyang gawin ang lahat ng ito ay kinandado niya muli ang bahay upang bumalik sa tindahan. Susunduin niya ang kanyang asawa at magpapasama siya sa Red Ribbon upang bumili ng Sans Rival para sa panghimagas.

Mula noong isang taon na magkasunod bumukod ang kanyang dalawang anak ay iginiit niya na tuwing Linggo ng gabi ay sa bahay na iyon silang lahat maghahapunan, at ang gabing iyon ay hindi naiba, maliban sa magtatatlong buwan nang buntis ang asawa ni Anton at mahalagang payuhan niya ang kanyang manugang tungkol sa mga bitaminang dapat inumin sa anong bahagi ng pagdadalantao, saang espesyalista dapat magpatingin at anong mga sintomas at alin ang dapat ikonsulta sa doktor.

Ngunit ngayon ay tapos na siyang magbigay ng payo. Naligpit na ang mga pinagkainan at nakauwi na rin sa kani-kanilang bahay ang kanyang mga anak. Sa halip, heto ang gabi ngayon sa kanyang harapan. Heto ang mesa na yari sa tunay na kamagong na kanyang minana mula sa kanyang ama. Heto ang salansan ng mga textbook na sa tagal ng hindi pagkakabuklat ay nagmistulan na lamang palamuti. Heto ang lamaparang gawa sa kabibe na inuwi nilang mag-asawa mula sa kanilang honeymoon sa Palawan. Heto ang mga karaniwang litrato ng mga karaniwang okasyon na itinatanghal sa tahanan ng karaniwang pamilya—kasal, pagtatapos ng mga anak sa kolehiyo, isang ideyal na bakasyon, etcetera. Sa likod ng isa sa mga nakakwadrang larawan (graduation ni Katrina), natagpuan niya ang isang ashtray na nagtataglay ng isa’t kalahating upos na sigarilyo. Dito’y kumalabit sa kanyang damdamin ang alingawngaw ng pamilyar na paggiliw para sa kanyang asawa. Mula noong nagbuntis siya kay Katrina ay pinilit niya ang asawa na tumigil sa paninigarilyo na sinangayunan naman nito. Kay dami na nilang napagdaanan, siya at ang kanyang asawa—dalawang anak, tatlong nilipatang bahay sa tatlong lungsod, dalawang negosyong nadiskaril, tatlong yumaong magulang at di-mabilang na katahimikan at pagpapatawad. At nalulugod siyang isipin na sa kabila ng lahat ng ito ay sapat pa rin ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa upang magkaroon ng sapat na lakas para sa mga munting kasinungalingan tulad ng dalawang upos na sigarilyong ito, upang hindi makabigo. Ibinalik niya ang ashtray sa likod ng larawan.

Bumaling siyang muli sa liham: Dear Noel. Gaya ng sa huling dalawang liham, naramdaman niya ang paninibago sa kaibahan sa pagitan ng pangalang binanggit sa isipan at ngayo’y isinulat sa papel, sapagkat ang huli’y nakikita, nababakas. Humigit sampung taon na yata mula nang huli niya itong makita, sa despidida ng isa sa kanilang mga kaibigan. Payat pa rin ang pangangatawan ngunit nadagdagan ng timbang sa bandang tiyan. Suot pa rin ang isa sa kanyang mga makulay at printed na polo na maging noong sila’y mga estudyante ay sumusuway na sa uso ngunit ngayon, sa kabalintunaan, ay may dating na sumusuway sa uso sapagkat kumakapit sa istilo ng pananamit na matagal nang nakalipas.

Sinimulan niya ang liham sa pangungumusta. Maganda iyong pagkakataon upang banggitin ang mga detalyeng nabalitaan niya mula sa mga lumang kaibigan. Kumusta na ang kanyang tatlong anak? Balita niya’y ganap nang nurse ang panganay sa San Francisco. Gaya ng sa ikalawang liham ay minabuti niyang huwag kumustahin ang asawa dahil dinig niya’y naghiwalay na ang dalawa. Noon pa, bago pa niya ito muling makita sa despidida.

“Palagi kitang naiisip,” pagtatapat ni Noel matapos kunan ang kanyang litrato isang hapon sa taong 1979, 1978? Sa may hagdanan ng aklatan, ang ibang estudyante sa paligid ay unti-unting nalalagas dahil papalubog na ang araw. Kalalabas lamang noon ng Nikon FM SLR sa Ali Mall ngunit nakasukbit na ito sa leeg ni Noel, isang pinakahihintay na regalo mula sa kanyang ama sa abroad. At kahit saan pumunta si Noel ay nakasabit sa kanya ito. Labing-siyam na taon si Sandra at unti-unting lumalakas ang simoy ng hangin dahil papalubog na ang araw. Dumampi ang nakalugay niyang buhok sa kanyang pisngi, na marahang hinawi ng kanyang daliri. Labing-siyam na taon siya at sinong makatatangging para sa kanya ang lahat ng iyon—ang hangin, ang araw, ang pagtatapat na tiyak ay umubos sa lakas ng loob ng isang sumisintang binata. Tanging katahimikan lamang ang kanyang naisukli.

Sa halip, kinumusta niya sa liham ang kalusugan nito. Mas mabilis na ba siyang mapagod, ngunit mas hirap makatulog kung gabi? May bahagyang kirot na ba sa kanyang mga kasukasuan matapos ng mahabang paglalakad, pagpanik sa hagdanan o kahit pagbangon sa umaga? Madali niyang maitatanong ang mga ito dahil kabisado ng kanyang sariling katawan ang mga sagot. Nagpatuloy siya sa pagsalaysay tungkol sa kanyang araw na siningitan ng mga personal na komento—ang pagnais niyang paputulan ang mahabang buhok, ang katigasan ng ulo ng kanyang asawa sa pagkain ng masustansya, ang hindi niya pagsangayon sa sermon ng pari, ang balak niya at ng kanyang mga kapwa guro na magsimula ng bagong organisasyon sa paaralan at ang napipinto niyang pagkakaroon ng apo. Batid niyang halos walang pinagkaiba ang mga binanggit niya sa liham sa mga binabanggit niya sa asawa. Ngunit hindi rin niya maikakailang may ligaya sa pagpapakilala ng kanyang mga naiisip na wala ang pamilyar na pangako ng hirap at ginhawa, sakit at kalusugan, habangbuhay. At hindi ba’t iyon ang nilalaman ng kanyang mga liham kay Noel? Pagbabahagi ng mga munting ligaya sa kanyang kahit paano’y pinalad na buhay. May ligaya sa pagpili ng mga magkaparis na kubrekama at punda ng mga unan. May ligaya sa paghahanda ng rekados para sa bagong-tuklas na recipe. May ligaya sa mga pasumalang abubot na madalas niyang mahanap sa bulsa ni Anton noong maliit pa ang kanyang panganay. May ligaya sa mababang tinig ng usupan nilang mag-asawa sa kama bago matulog. May ligaya sa kanyang mag-isang pagluluto ng almusal sa kusina sa mga umaga ng Linggo.

Ngunit hindi gaya ng sa dalawang huling liham, hindi na siya naghinala na ang mga ligayang ito ay pampalubag-loob lamang ng buhay na sapat lang para sa isang landas. Sa halip, naradaman niya ang wagas na kabaitan upang hilingin para kay Noel ang mga ligaya ring ito. Itinupi niya ang liham, tumungo sa tukador, inilabas ang sobre na ngayon ay may tangan nang tatlong liham, na halos tigiisang dekada ang pagitan. Hindi nilimbag ni Noel ang kanyang larawan. Kung nilimbag man nito ay hindi niya nakita. Mangangahas ba siyang isipin na tinago ito ng dating kaibigan at paminsan-minsan ay pinagmamasdan? Marahil ay hindi. Sinalubong ni Sandra ang kanyang tingin sa salamin ng tukador. Mas nais niyang isipin ang binata noong hapong iyon na nasa bungad pa lamang sila ng mga landas. Noong bago pa ang kamera, noong wala pang laman ang pilm. Gamit ang kanyang kanang kamay, ipinusod niya ang mahabang buhok sa kanyang batok, inihilig ang mukha sa direksyon ng liwanag, inayos ang tindig at pansamantalang tumigil sa paggalaw.

Leave a comment